News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, wagi ng tatlong prestihiyosong parangal sa 20th Philippines Quill Awards

January 24, 2024 AT 05:17 PM

Mga malikhain at makabagong fundraiser at kampanya para sa mga empleyado, kinilala

 

Humamig ang ABS-CBN ng tatlong Awards of Excellence sa 20th Philippine Quill Awards, na kumilala sa makabagong paraan ng pagsagawa ng kumpanya ng online fundraiser para sa mga nasalanta ng bagyong Odette at mga malikhaing kampanya para sa kapakanan ng mga empleyado.

Iginagawad ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines ang Philippine Quill Awards bilang parangal sa mga organisasyon na nagpapakita ng kahusayan sa larangan ng komunikasyon sa bansa. 

Pinarangalan ng Award of Excellence ang “Tulong-Tulong sa Pag-ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan” ng ABS-CBN, isang 100-day donation challenge sa iba’t ibang digital platforms kasama ang Kapamilya stars nito para makalikom ng donasyon para sa 100,000 pamilyang nasalanta ng bagyong Odette sa panahon ng pandemya.

Iba sa mga tipikal na fund-drive, binuo ng virtual fundraisers ang “Tulong” project na ginanap sa loob ng 100 na magkakasunod na gabi. Itinampok nito ang sikat at maimpluwensyang Kapamilya stars, na pinangunahan ang online concerts, interactive shows, virtual run, benefit sale, at iba pa na ipinalabas sa YouTube, Facebook, iWantTFC, Kumu, at Sky Cable.

Tumatak ang multi-platform na fundraisers sa iba't ibang audience na nagbigay ng tulong sa mahigit 200,000 pamilya sa mga lugar na apektado ng kalamidad. Katuwang ang ABS-CBN Foundation Inc., nabigyan ang mga pamilya ng home repair kits at food supplies, habang nakatanggap ang iba ng mga alagang hayop at livelihood items para tulungan silang makabangon.

Samantala, dalawang kampanya para sa mga empleyado ng ABS-CBN ang nag-uwi rin ng parangal.  

Nanalo ng Award of Excellence  ang kampanya kontra COVID-19 na “Act as If You Have the Virus” na naglayong makatulong upang mabawasan ang mga kaso ng COVID-19 sa loob ng kumpanya. Ito ang ikatlong pagkilala sa kampanya ng IABC matapos magwagi ito sa Gold Quill Awards ng IABC sa New York at sa Silver Quill Awards sa IABC Asia Pacific. 

Nagwagi rin ng Award of Excellence ang “Handa KNB?”, isang kampanya para mas may alam at mas mag-ingat ang mga empleyado upang maiwasan ang sunog sa loob ng opisina at malayo sila sa kapahamakan kapag may lindol.

Kabilang ang dating ABS-CBN Vice President for Manila Radio at news anchor na si Peter Musngi at ABS-CBN Vice President for Corporate Communications at IABC Asia Pacific chairman na si Kane Errol Choa sa iba pang Kapamilya na inimbitahang maging presenter sa awards night. Nagsilbing host ng awards program naman si Ron Cruz ng ABS-CBN News Channel (ANC), na ginanap Marriot Grand Ballroom.

Isang pandaigdigang organisasyon ang IABC ng mga communication professional mula sa magkakaibang mga industriya at disiplina na kumikilala, nagbabahagi, at naglalapat ng pinakamahusay na mga kasanayan sa komunikasyon sa mundo.

Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, X (dating Twitter), Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.