Patuloy ang TNT Boys sa pagkamit ng kanilang mga pangarap at pag-ani ng sunod-sunod na pagkilala ngayong sila na ang may hawak ng titulong pinakabatang artists na na-sold out ang major concert, hindi lang sa makasaysayang Araneta Coliseum, kundi sa buong bansa sa kanilang matagumpay na “Listen: The Big Shot Concert.”
Inabangan ng libo-libong manonood, mapa-Pinoy man o banyaga, mula sa iba’t-ibang panig ng bansa at mundo ang pangmalakasang biritan at nakakatuwang hiritan nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion sa Big Dome kung saan ipinadama nila ang taos-puso nilang pasasalamat para sa walang sawang suporta ng kanilang fans.
Hindi nga binigo ng TNT Boys ang mga dumalo sa concert sa pagbukas nila ng gabi sa pasabog nilang version ng “And I Am Telling You I’m Not Going.” Pinalakpakan din ang madamdamin nilang rendition ng “Flashlight,” kung saan naging emosyonal na napaluha ang tatlo na sinabayan pa ng pagtaas ng light sticks at mobile phones ng mga manonood.
Sumama rin sa entablado ang unkabogable star at bida ng pelikulang “Fantastica” na si Vice Ganda sa pagdala niya ng good vibes at buong pusong pagmamalaki sa tagumpay ng TNT Boys. Matinding tawanan din ang dinala ng “Tawag ng Tanghalan” hurado na si K Brosas sa pagbihis niya bilang Jessie J, pagbirit, at pagbato niya ng mga nakakatawang biro.
Isang world-class performance naman ang inihandog ng TNT Boys kasama si Jed Madela sa pagbirit nila ng mga kilala at classic na awitin. Sinamahan din sila ng “TNT” grand champions na sina Janine Berdin, Jhon Clyd Talili, at Noven Belleza sa pag-awit nila ng “We are the Champions” na nagpabilib sa mga manonood.
Nakipagsabayan din ang kanilang mga kaibigan sa “Your Face Sounds Familiar Kids” na sina Xia Vigor, Onyok Pineda, Esang De Torres, Sheena Belarmino, Noel Comia Jr., Chunsa Jung, at Krystal Brimner na nag-impersonate ng ilan sa mga pinakasikat na music icons.
Nagtapos ang programa sa bigay-todo nilang pag-awit ng “Listen,” umani ng hiyawan at nagpadagundong sa buong Big Dome.
Bukod sa Big Dome, nagpakita rin ng suporta ang mga tagahanga ng trio sa kani-kanilang mga tahanan dahil libo-libong ABS-CBN TVplus subscribers ang nanood ng live concert nila sa KBO.
Sunod-sunod nga ang parangal at pagkilalang natatamasa ng TNT Boys mula nang mabuo ang kanilang grupo sa “Gandang Gabi Vice” noong nakaraang taon. Kamakailan nga ay nagkamit sila ng Royal Cub award mula sa RAWR Awards ng online site na Lionheartv dahil sa kanilang pagiging laman ng balita at trending performances. Sila rin ang pinangalanang Pop Child Performer of the Year sa kakatapos lang na PPOP Awards for Young Artists 2018, na kinilala ang magagaling na young artists sa bansa na gumawa ng marka sa Philippine pop culture, music, at performing arts.
Opisyal na rin silang parte ng “ASAP Natin ‘To” at linggo-linggong naghahandog ng world-class performances sa telebisyon. May pamaskong handog din ang trio nina Mackie, Keifer, at Francis sa paglunsad nila ng kanilang Christmas album na “TNT Boys Christmastime” sa ilalim ng TNT Records kung saan handog nila ang bersyon nila ng ilan sa mga pinakasikat na Christmas songs.
Muli ring magbibigay ng karangalan sa bansa ang TNT Boys sa pagsali nila sa isang international competition na dapat abangan ng lahat.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang TNTV sa Facebook.com/tntversions, o sundan ang @tntversions sa Twitter at Instagram.