News Releases

English | Tagalog

"Wildflower" nominadong Best Asian Drama sa 1st Asia Contents Awards

September 19, 2019 AT 11:23 AM

Ang sikat at pinag-usapang Kapamilya serye na “Wildflower” ang nag-iisang palabas mula Pilipinas na nominado bilang Best Asian Drama sa 1st Asia Contents Awards na gaganapin sa Busan, South Korea ngayong October 6.

Makikipagsabayan ang seryeng pinagbidahan ni Maja Salvador sa mga naglalakihang palabas mula sa South Korea, China, Japan, Hong Kong, Taiwan at ASEAN countries na Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar at Cambodia.

Layunin ng 1st Asia Contents Awards na bigyang parangal ang mga dekalibreng seryeng likha mula sa iba’t-ibang Asian countries sa nakalipas na limang taon. Ang award-giving body ay inorganisa ng respetadong film festival na Busan International Film Festival at Asian Film Market, isang taunang film market sa South Korea.

Bukod naman sa nominasyon, patuloy ang pamamayagpag ng “Wildflower” sa ibang bansa ngayong napapanod na rin ito sa tatlong French-speaking countries na New Caledonia, Polynesia, at Reunion matapos ang partnership ng ABS-CBN at Ampersand Fiction, isang French content distributor.

Tinututukan din ang serye sa French-speaking African countries at inaaasahang mapapanood na rin sa Madagascar ngayong Oktubre matapos naman ang deal ng ABS-CBN sa Startimes.

Kinapitan ang kwento ng “Wildflower” na umere ng isang taon sa ABS-CBN dahil sa bida nitong si Ivy Aguas/Lily Cruz na naging simbolo ng katapangan ng mga babae sa pagbibigay hustisya niya sa mga naaapi at pagpapabagsak sa pamilya Ardiente.