News Releases

English | Tagalog

Top 12 artists ng "The Voice Teens" magbabakbakan na para maging grand champion ngayong weekend

August 13, 2020 AT 02:17 PM

Top 12 artists of "The Voice Teens" compete to become grand champion in finale weekend

“The Voice” stages its first-ever remote finale

Makikilala na kung sino ang tunay na palaban sa bosesan sa “The Voice Teens” dahil magbabakbakan na ang top 12 teen artists ng ikalawang season sa finale ngayong weekend (Agosto 15 at 16) sa Kapamilya Channel.

 

Kakaibang finale ang dapat na abangan ng mga manonood dahil sa kasalukuyang quarantine, minabuti ng programa na mag-perform ang top 12 teen artists mula sa kani-kanilang mga bahay. Bagong hamon ito sa kanila dahil kailangan nilang ipahayag ang mensahe at emosyon ng kanilang mga piyesa sa pamamagitan ng home videos.

 

Kaya naman dahil sa sitwasyon, mag-iiba rin ang mechanics kung paano pipiliin ang grand winner na siyang malalaman ngayong weekend sa mismong programa.

 

Magtatagisan sa Sa Kamp Kawayan ni coach Bamboo ang lumaban na rin sa nakaraang seasons ng “The Voice Kids” – ang unstoppable acoustic artist ng Iloilo na si Rock Opong, ang small girl with a big comeback ng Rizal na si Kate Ocampo, at ang heartfelt sound ng Alabang na si Heart Salvador.

 

Mag-aagawan naman sa kampeonato sa team ni coach Sarah Geronimo ang mapusong mang-aawit ng Bacolod na si Jaylloyd Garche, ang songstress with fierceness ng Las Pinas na si Kendra Aguirre, at ang soulful son ng Antipolo na si Andre Parker.

 

Maglalaban-laban naman bilang top artist ng FamiLea ni Lea Salonga ang belting boy ng Surigao na si Kristian Rajagopal, ang pristine princess ng Negros Occidental na si Cydel Gabutero, at ang rocker chick ng Cebu na si Alexia Tag-at.

 

Mula sa team ni coach Apl de Ap, magbabanggaan sa kantahan ang palabang teen mom ng Batangas na si Yang-yang Aloya, ang new gen siren ng Muntinlupa na si Isang Manlapaz, at ang promising balladeer ng Camarines Sur na si Calvin Candelaria.

 

Kaninong team manggagaling ang grand champion ng season na ito?

 

Ang ikalawang season ng “The Voice Teens” ay pinangungunahan ng hosts na sina Luis Manzano and Alex Gonzaga. Lingo-linggong itong sinusubaybayan ng bansa simula noong Pebrero sa ABS-CBN hanggang sa pagtuloy nito sa cable TV sa Kapamilya Channel noong Hunyo matapos ang pagtanggi sa franchise application ng ABS-CBN.

 

Kanya-kanya naman ng pagpapahayag ng suporta ang mga manonood para sa kanilang pambatong teen artists sa social media, kaya naman nananatili ito linggo-linggo sa trending topics sa Twitter at humahamig ng higit sa 50,000 na concurrent live viewers online.

 

Tutukan ang finale weekend ng “The Voice Teens” ngayong Sabado, 7:30 PM at Linggo, 7:15 PM sa Kapamilya Channel sa SKYchannel 8 sa SD  at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa). Mapapanood din ito nang live sa Kapamilya Channel at maaaring mababalik-balikan ang episodes ng sa iWant app o iwant.ph.

 

Para naman mapanood ang “The Voice Philippines DigiTV” at makakuha ng updates, i-like ang facebook.com/TheVoiceTeensABSCBN, sundan ang @thevoiceteensph sa Twitter, at mag-subscribe sa The Voice Teens Philippines channel sa YouTube.