Agad na niyakap ng mga manonood ang bagong patimpalak ng “It’s Showtime” na “Reina ng Tahanan” kung saan ibinibida ang diskarte, ganda, at talino ng mga ulirang inang walang pagod na itinataguyod ang kanilang pamilya.
Sa pagbubukas ng bagong segment noong Sabado (Mayo 29), binaha ng mga emosyonal na komento ang episode sa social media dahil sa mapusong kwentuhan at mga aral na ibinahagi ng contestants nito. Pinuri rin ang “It’s Showtime” para sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga nanay na makapagpahinga mula sa mga responsibilidad sa bahay at makapagbagi ng kanilang talento.
“Sincerest congratulations on the new segment, @itsShowtimeNa! Laughter, entertainment, tears, so much warmth and so much heart. This is so beautiful,” sabi ni @ViFeelings.
Para naman kay @sirmarkjoseph, “Grabe! Thank you @itsShowtimeNa for this new segment Reinanay! Daming realizations. Daming aral! The best talaga ang ABS-CBN!”
“Ang refreshing naman makita ng mga nanay sa Showtime stage. They really deserve the glam, the exposure, the fun and the break,” ayon kay @_10norio.
Sa “Reina ng Tahanan,” tatlong ulirang ina o “reinanay” ang magpapasiklaban sa tatlong rounds. Una na rito ang “Queen-troduction,” kung saan isa-isang silang magpapakilala, magbabahagi ng kwento ng kanilang buhay, at magpapatalasan ng pagsagot sa nakakalitong mga tanong. Pagkatapos nito, ipapamalas nila ang kanilang angking talento sa “The Greatest Showmom.”
Mapusong usapan naman ang magpapaiyak sa viewers sa “Inay Thank You” round, kung saan kailangang sagutin ng mga ‘reinanay’ ang tanong ng isang kamag-anak, kaibigan, o kapitbahay na unang beses nilang maririnig.
Kinoronahan namang unang daily winner ng kumpetisyon si Helen Uvas, isang 53 taong ina mula Quezon City na nagwagi ng P10,000 na cash prize, sash, scepter, at korona.
Bukod sa tagisan ng mga ilaw ng tahanan, ipinaglaban din nina Froilan Cedilla ng Ilocos Norte at Reiven Umali ng Cavite ang kanilang pangarap pagkatapos nilang magwagi sa quarterfinals ng “Tawag ng Tanghalan.”
Magpapatuloy ang kumpetisyon ngayong linggo kung saan magsasalpukan sa bosesan ang theater actress na si Aixia Mallary, former service crew na si Kiro Remon, music school graduate na si Faye Yupano, online seller na si Erika Buensuceso, at estudyanteng si Psalm Manalo. Dalawa rin sa kanila ang magwawagi at makakapasok sa semifinals kasama sina Froilan at Reiven.
Araw-araw na makakakuha ng good vibes ang madlang people sa "It's Showtime," na nagbibigay ng saya, inspirasyon, at pagkakataon sa mga Pilipinong matupad ang kanilang mga pangarap, ibahagi ang kanilang kwento, at ipamalas ang kanilang talento sa iba't ibang segments nito.
Panoorin ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o
iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang
www.abs-cbn.com/newsroom.