Tampok ang duet ni SAB kasama sina Angela Ken, Shanaia Gomez, at Anji Salvacion
Bilang selebrasyon ng kanyang 20th birthday, handog ng singer-songwriter na si SAB ang “She@Twenty” live acoustic album na mapapakinggan na simula sa Biyernes (Hunyo 3), tampok ang raw versions ng mga orihinal niyang kanta, kolaborasyon kasama ang mga kaibigan, at bagong awitin.
Gaya ng laidback setup ng kanyang “She@Twenty” birthday concert noong Abril 24, lahat ng kanta sa bagong album ni SAB ay madaling pakinggan at maghahatid ng magaang pakiramdam sa mga tagapakinig.
Bukod sa mga nauna na niyang inilabas na awitin na “She,” “Dancing in the Dark,” at “Sunsets and Heaven,” kasama rin sa “She@Twenty” album ang reimagined version ng “Golden Arrow” ng BINI na isinulat niya.
Maririnig din sa album ang mga duet niya kasama ang kapwa Kapamilya talents at mga kaibigan. Kabilang dito ang group version ng “I’d Like To” kasama sina Angela Ken, Shanaia Gomez, at Anji Salvacion. May Tagalog-English na bersyon din sina SAB at Angela ng hit song na “Ako Naman Muna,” na isinalin sa Ingles ni SAB.
Ilan pa sa tampok sa album ang performance nina SAB at Anji ng “Love You Like Crazy,” na isinulat nilang dalawa at kasama sa debut EP ni Anji. Ang unreleased original song na “Heartbreak Avenue” nina SAB at Shanaia ay nasa track list din.
Isa lamang si SAB sa mga talentadong singer-songwriter ng ABS-CBN Music na nagsusulat ng tagos-pusong musika hindi lang para sa sarili niya kundi para rin sa ibang artists. Noong 2021, inilabas niya ang self-penned debut EP niyang “Sunsets and Heaven” at ini-release naman ang single na “I’d Like To” sa ilalim ng Tarsier Records kasama ang label head na si Moophs.
Pakinggan ang “She@Twenty” album ni SAB simula ngayong Biyernes (Hunyo 3) sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter atInstagram (@StarMusicPH).