News Releases

English | Tagalog

Balikan ang kwento ni Direk Olive sa industriya sa Sagip Pelikula Spotlight series

June 17, 2022 AT 01:44 PM

Direk Olive shares her passion for filmmaking in Sagip Pelikula's Spotlight series

In a one-on-one conversation with ABS-CBN Film Restoration head Leo Katigbak, Direk Olive recalled her humble beginnings as an aspiring filmmaker

Tampok ang digitally-restored version ng 'Got 2 Believe' at iba pa

Tampok sa panibagong edisyon ng Sagip Pelikula Spotlight series ngayong Hunyo ang pagbabalik-tanaw sa karera ng premyadong writer-director at dating ABS-CBN Films Productions Inc. head na si Olivia M. Lamasan, at ang pagpapalabas ng ilang restored hits niya tulad ng "Got 2 Believe" sa KTX.ph.

Sa pre-show interview niya kasama ang ABS-CBN Film Restoration head na si Leo Katigbak, binalikan ni Direk Olive ang kanyang pagsisimula bago siya mahirang sa industriya bilang 'Inang.'

"I started in an American project shot in the Philippines. This was 'Nine Deaths of a Ninja.' Doon ko nakilala si Charo [Santos-Concio], she was an associate producer. I started out as a production assistant or assistant to the producer," kwento ni Direk Olive.

Matapos niyan ay naging associate producer siya sa ilang production company hanggang sa maging executive producer para sa mga programa ng ABS-CBN.

Kasabay ng kanyang trabaho bilang producer, binahagi rin niya sa interview kung paano siya nagsimula sa pagsusulat ng screenplay sa mga pelikula, kung saan nagwagi rin siya ng parangal sa Gawad Urian at Star Awards para sa pelikulang "Ipagpatawad Mo."

Doon din nakita ang kanyang potensyal sa pag-direk at agad siyang tinuruan ng mga tinitingalang direktor tulad nina Ishmael Bernal, Marilou Diaz-Abaya, Laurice Guillen, at Mike de Leon.

Kilala sa kanyang kakaibang istilo sa pag-direk at sa pagsalamin ng kanyang mga gawa sa totoong buhay, nais ni Inang na ang kanyang mga naging pelikula ay maging makabuluhan sa mga manonood ngayon.

"I'm hoping they would see my works depict truth in life and reflect characters in real life—their joy, pain, and journey. Also, for these works to inspire people and touch hearts despite the challenges we have in life," saad niya.

Marami pang mga masasayang kwento at aral na mapupulot sa pre-show interview ni Direk Olive sa Sagip Pelikula Spotlight, tampok ang digitally-restored version ng "Got 2 Believe" nina Claudine Barretto at Rico Yan sa KTX.ph sa halagang P150.

Maliban sa "Got 2 Believe," palabas din sa KTX ang ilan pang restored hits niya tulad ng "Maalaala Mo Kaya... The Movie," "Milan," "Sana Maulit Muli," at "The Mistress." Samantala, mapapanood din nang libre ang digitally scanned at enhanced version ng 1960 LVN classic na "The Triplets" sa darating na Hunyo 23 (Huwebes), 7:30 PM sa Facebook page ng ABS-CBN Film Restoration.

Ipinagdiriwang ng Sagip Pelikula ang ika-11 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE