Patok na patok ngayon sa Malaysian viewers ang remake ng hit Kapamilya primetime serye na "The Legal Wife," na pinagbidahan nina Angel Locsin, Maja Salvador, at Jericho Rosales, bilang "Isteri Halal" na kasalukuyang humahakot ng ratings sa Malaysia.
Magmula noong una itong i-ere nitong Pebrero, humakot ito ng mataas na viewership mula sa Malaysian audience matapos itong patuloy na tumabo ng ratings sa 6 PM timeslot, batay sa ratings report ng DTAM noong Abril 29, 2023. Maliban dito, pinag-uusapan din ng netizens ang mga eksena nito, na may milyon-milyong views sa Facebook, YouTube, at TikTok.
Iikot din ang istorya ng Malaysian adaptation sa orihinal na serye, na kasalukuyang napapanood sa cable TV channel na Astro Ria. Ipinorodyus ito ng Radius One, at pinagbibidahan ng award-winning Malaysian actors na sina Isyariana Che Azmi, Aidit Noh, at Uqasha Senrose.
Unang ipinalabas ang "The Legal Wife" sa Primetime Bida noong 2014, tampok ang istorya ng magkaibigang sina Monica (Angel) at Nicole (Maja) na parehas nag-aasam ng pagmamahal mula sa isang ama. 'Di kalaunan ay mababalot ng poot at paghihiganti ang kanilang samahan nang malamang naghahati rin sila sa puso ni Adrian (Jericho).
Ikinatuwa naman ng head ng Astro Ria na si Norzeha Mohd Salleh ang naging kalidad ng programa at ang patuloy nitong pag-ariba sa ratings. Aniya, "The combination of its great cast and a great director makes 'Isteri Halal' a must-watch nightly, certainly living up to the standards set by the original ABS-CBN series. We are also delighted with the viewership feats it has amassed since its premiere, and we are overwhelmed with the support from our avid audiences."
Bago pa man ang patuloy na pagtangkilik sa adaptation ng "The Legal Wife," una ring ginawan ng Astro ng adaptasyon ang isa pang hit Kapamilya serye na "Tayong Dalawa" nina Gerald Anderson, Kim Chiu, Jake Cuenca, at Coco Martin. Kinilala ang Malaysian remake nitong "Angkara Cinta" bilang most watched show sa Astro Prima noong 2020.
Maliban sa "Isteri Halal" at "Angkara Cinta," ginawan din ng international adaptation sa Turkey ang mga Kapamilya serye na "Hanggang Saan" nina Arjo Atayde at Sylvia Sanchez, at "The Good Son" na pinagbidahan noon nina Joshua Garcia, Jerome Ponce, McCoy de Leon, at Nash Aguas.
Patunay lamang ito na tinatangkilik saan mang sulok ng mundo ang mga programa ng ABS-CBN, kung saan nakapagbenta ito ng mahigit 50,000 hours ng content sa 50 na bansa sa Asya, Africa, Europa, at Latin America.
Bisitahin lamang ang https://www.abs-cbn.com/internationalsales/about para sa karagdagang detalye patungkol sa ABS-CBN International Distribution.
Para sa iba pang Kapamilya updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.