Muling pumirma ng kontrata sa ABS-CBN ang Kapamilya celebrities na sina Amy Perez, Angelica Panganiban, Marietta ‘Pokwang’ Subong, Julia Barretto, at ang grupong “Gold Squad” na binubuo nina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri, at Francine Diaz kamakailan.
Patuloy na magsisilbing host ng “Umagang Kay Ganda,” “It’s Showtime,” at “Sakto sa DZMM” ang beteranang host na si Amy. Aniya, isang malaking pribilehiyo ang pagiging Kapamilya, at malaki ang pagpapasalamat niya sa management ng ABS-CBN at sa kanyang manager na si Biboy Arboleda para sa mga proyektong inilalatag sa kanya.
Samantala, may nakalinya namang pelikula para sa aktres at komedyanteng si Angelica. Maaabangan pa rin siya ng kanyang fans sa Kapamilya gag show na “Banana Sundae.”
Pumirma rin ng kontrata ang isa pang “Banana Sundae” star na si Pokwang. Ani Pokwang, ibinibigay niya ang kanyang buong tiwala sa mga boss ng ABS-CBN dahil alam niyang alam ng mga ito kung ano ang makabubuti para sa Kapamilya stars.
Matapos ang hit movie na “Between Maybes” kasama si Gerald Anderson, abala naman ngayon si Julia sa pagshu-shooting sa kanyang upcoming horror film na “Block Z” sa produksyon ng Star Cinema.
Wala ring ibang masabi ang mga batang aktor at aktres na sina Andrea, Seth, Kyle, at Francine ng “Gold Squad” kundi mga pasasalamat para sa oportunidad na ibinigay sa kanila ng management ng ABS-CBN. Binuo ang kanilang grupo mula sa hit teleseryeng “Kadenang Ginto” na kanilang pinagbibidahan.
Dumalo sa pirmahan ng kontrata sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak, chief operating officer ng broadcast Cory Vidanes, head ng TV Production na si Laurenti Dyogi, head ng Star Magic Johnny Manahan, head ng Dreamscape Entertainment Deo Endrinal, manager ni Amy Perez na si Biboy Arboleda, manager ni Kyle Echarri na si Erickson Raymundo ng Cornerstone, at manager ni Seth Fedelin na si Mario Colmenares.